Ipinahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nasa operator ang desisyon kung saan bibili ng makabagong public utility vehicles (PUVs).
Sinabi ni LTFRB Technical Division Chief Joel Bolano na walang sinasabi ang ahensya kung saan dapat bilhin ng PUV corporations at kooperatiba ang kanilang modernized units sa ilalim ng public utility vehicle modernization program (PUVMP).
Ang kanyang pahayag ay tugon sa panawagan ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III sa Department of Transportation (DOTr) na pangalanan ang mga kontratista na magbibigay ng up-to-date na mga PUV sa ilalim ng scheme.
Sa parehong press conference, iginiit ni LTFRB officer-in-charge Riza Paches na hindi pinipilit ng gobyerno ang mga kooperatiba at korporasyon ng PUV na bilhin ang pinakamahal na modernized unit.
Ang pagbili ng mga sasakyan ay maaaring gawin sa pamamagitan ng pautang.
Batay sa inilabas na pahayag ng DOTr nitong Biyernes, ang mga up-to-date na sasakyan ay ikinategorya sa Class 1, 2, at 3 na may iba’t ibang mga kapasidad, seating configuration, feature, at price range.
Sinabi ng DOTr na ang bawat disenyo ay sumailalim sa mga proseso ng sertipikasyon mula sa Department of Science and Technology-Metals Industry Research and Development Center, Land Transportation Office, at Department of Environment and Natural Resources bago nag-isyu ang ahensiya ng compliance certificates.
Sinabi ni Office of Transportation Cooperatives Chairman Ferdinand “Andy” Ortega na malugod na tinatanggap ng DOTr ang isang congressional inquiry tungkol sa mga manufacturer ng modernized units sa ilalim ng PUVMP.