Kinumpirma ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na huhulihin na ang mga driver na hindi nag-consolidate o sumama sa kooperatiba o korporasyon noong December 31.
Sinabi ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III, na hanggang January 31 ay sisilbihan muna nila ng show cause order ang mga ito bilang bahagi ng due process.
At simula sa February 1 ay ituturing nang colorum ang mga ‘unconsolidated PUV.’
Tinatayang nasa 38,000 naman na mga ‘unconsolidated PUV’ ang awtomatikong kolorum na pagsapit ng nabanggit na petsa.
Sinabi pa ni Guadiz na hindi ito ang katapusan para sa mga PUV operator at driver na hindi pa nakapag-consolidate dahil maari pa naman silang sumali sa mga kooperatiba at korporasyon para sila ay muling makabiyahe.
Maliban dito, sinabi ng LTFRB na na may mga ahensya rin ng gobyerno ang nakahandang tumulong, gaya ng DSWD na magbibigay ng ayuda at ang TESDA na maaring magbigay ng training.