Nagpalabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show-cause order laban sa dalawang consortium na nag-o-operate sa EDSA Busway.
Ito ay matapos na bigo silang makapag-deploy ng sapat na bilang ng mga bus at sa gitna ng mga ulat na hindi pa nasu-swelduhan ang mga driver at konduktor kahit natanggap na nila ang bayad para sa ‘Libreng Sakay’ Program ng Department of Transportation (DOTr).
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, inatasan na nila ang dalawang consortium na magpaliwanag kung bakit hindi dapat kanselahin ang kanilang special permit, masuspinde o kaya ay mapagmulta.
Aniya, 550 buses ang dapat na i-deploy ng dalawang consortium pero 120 units lang ang bumiyahe noong Lunes.
Giit pa ni Delgra, kakulangan ng mga bus operator ang hindi pagpapasweldo sa kanilang mga tauhan dahil nabayaran na sila ng ahensya sa ilalim ng Service Contracting Program.
Una rito, napaulat na halos dalawang buwan nang hindi sumasahod ang mga tsuper, konduktor at dispatcher sa EDSA Bus Carousel.