LTFRB, nagbabala laban sa mga mapagsamantalang driver ngayong holiday season

Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga mananamantalang public utility vehicle (PUV) driver ngayong holiday season.

Ayon sa LTFRB, partikular dito ang labis na paniningil ng pamasahe, pagtanggi at pangongontrata sa pasahero at mabilis, depektibo, at “tampered” na taxi meter.

Alinsunod sa Joint Administrative Order 2014-01 at Memorandum Circular 2011-004, mayroong kahaharaping parusa ang mga operator o tsuper sakaling mapatunayan ang kanilang mga paglabag.


Kabilang dito ang multang P5,000 para sa unang paglabag; P10,000 at impoundment o pagbatak sa pampublikong sasakyan sa second offense at P15,000 at kanselasyon ng Certificate of Public Convenience (CPC) sa ikatlong paglabag.

Dahil dito, pinag-iingat ng LTFRB ang mga komyuter sa anumang pananamantala sa mga pampublikong transportasyon.

Kung mangyaring makaranas o makasaksi ng problema o aberya sa biyahe, maaari itong ipagbigay-alam sa LTFRB hotline (1342) o makipag-ugnayan sa official social media accounts nito upang agad na maaksyunan ang problema.

Facebook Comments