Babawian ng prangkisa ang mga jeepney driver na lalahok sa transport strike.
Ito ang babala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kasunod ng anunsyong tatlong araw na tigil-pasada ng grupong MANIBELA kasabay ng ikalawang State of Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa July 24.
Pinaalalahanan din ni LTFRB Chief Teofilo Guadiz III ang mga tsuper na nagbabalak lumahok sa tigil-pasada hinggil sa kanilang mga obligasyon bilang mga franchise holder.
Aniya, ang kanilang aksyon ay hindi dapat naglalagay sa alanganin sa pampublikong transportasyon.
Samantala, pinawi rin ni Guadiz ang pag-aalala ng mga pasahero sa posibleng epekto ng transport strike.
Sabi ng opisyal, hindi naman sasali sa tigil-pasada ang tinaguriang ‘Magnificent 7’ na kinabibilangan ng Pasang Masda, ALTODAP, PISTON, ACTO, FEJODAP, Stop and Go, at LTOP.
Tiniyak din ng LTFRB na magde-deploy sila ng mga sasakyan na tutulong sa mga pasaherong maaapektuhan ng transport strike.