Magbubukas ng ilang ruta ng pampublikong sasakyan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para maserbisyuhan ang mga pasaherong maaapektuhan ng pansamantalang tigil-operasyon ng Philippine National Railway (PNR).
Kaugnay ito ng pagpapatayo sa North-South Commuter Railway (NSCR), isang “urban railway network” na may habang 147 kilometro at magdurugtong sa Metro Manila-Pampanga at Metro Manila-Laguna. Tatagal ang proyekto sa loob ng limang taon at tinatayang 30,000 na mga pasahero ang posibleng maapektuhan araw-araw.
Sa isang Memorandum Circular 2023-020, tinukoy ng LTFRB ang tatlong ruta na maaaring buksan kabilang sa mga ito ang FTI-Divisoria via East Service Road at Alabang (Starmall)-Divisoria via South Luzon Expressway (SLEX) para sa mga pampublikong bus, at Malabon-Divisoria para sa mga Modern Public Utility Jeepney (MPUJ).
Sa kabuuan, 30 units ng pampublikong bus ang inaasahang bibiyahe sa ruta ng FTI-Divisoria at 25 units para sa rutang Alabang (Starmall)-Divisoria.
Nasa limang MPUJs naman ang maaaring bumiyahe sa rutang Malabon-Divisoria. Gayunpaman, posible pa rin itong mabago depende sa dami ng pasahero sa mga naturang ruta.