LTFRB, naghahanda na sa ‘new normal’ gamit ang Public Transport Online Processing System

Naghahanda na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa transisyon patungong ‘new normal’.

Dahil dito, ilulunsad simula sa June 16, 2020 sa National Capital Region (NCR) ang pinakabago nitong inisyatibo na Public Transport Online Processing System (PTOPS).

Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, layon nito na mabawasan na ang human intervention at physical contact sa mga transaksyon sa ahensiya, at upang mapabilis ang serbisyo at gawing accessible sa lahat ng stakeholders.


Nasa pilot testing at consultation process na ang bagong sistema mula June 1 hanggang June 15, 2020, pero paliwanag ng LTFRB hindi kasama rito ang publication at pagdinig sa mga kaso.

Dagdag ni Delgra, matitiyak din nito ang pagpapatupad ng physical distancing na paraan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Mapipigilan din nito ang mga tiwaling gawain dahil mabawasan na ang human intervention.

Sa panig ng Land Transportation Office (LTO) ang ‘new normal’ procedures ay ipatutupad din sa iba’t ibang transaksyon ng ahensiya sa pamamagitan ng Land Transportation Management System.

Facebook Comments