
Naghahanda na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagpapatupad ng contingency measures para matiyak ang mas ligtas na biyahe ng mga pasaherong magsisiuwian sa kanilang mga probinsya ngayong kapaskuhan.
Alinsunod ito sa derektiba ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez.
Inatasan ni LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II ang lahat ng Regional Directors na magsagawa ng inspeksyon sa mga bus terminal at public transportation hub sa kanilang area of responsibility.
Ayon sa kaniya, ang inisyatibong ito ay naglalayong masiguro ang roadworthiness ng mga pampublikong sasakyan at ang physical at mental readiness ng mga driver sa lahat ng oras.
Binalaan rin ni Mendoza ang operators na bus companies na ayusin ang kanilang mga pasilidad at serbisyo.
Dahil may umiiral na panuntunan na dapat nilang sundin para sa kaginhawaan at kaligtasan ng kanilang mga pasahero.
Hinimok rin niya ang publiko na magsumbong sa kanilang ahensya ng terminals na may mahinang pasilidad sa pamamagitan ng kanilang hotline o social media pages.









