LTFRB, naglabas ng kondisyon para sa ₱1 dagdag-pasahe sa mga jeep

Naglabas ng kondisyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa ₱1 provisional na dagdag-pasahe sa mga jeep.

Kasunod ito ng pag-apruba ng LTFRB sa petisyon ng mga transport group na dagdag-pasahe sa mga jeep sa Metro Manila, Region 3, at Region 4 na epektibo ngayong Huwebes, June 9.

Ayon kay LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion, bago ipatupad ang taas-pasahe, ay kinakailangan ang mga tsuper na maglagay sa kanilang mga jeep ng kopya ng anunsyo kaugnay sa dagdag-pasahe.


Ito ay para na rin sa impormasyon ng mga pasahero.

Niresolba ng ahensya ang petisyon sa dagdag-pasahe matapos ang big time oil price hike kahapon.

Sa kabuuan, umabot na sa ₱55 hanggang ₱57 ang itinaas ng presyo ng diesel sa Pilipinas ngayong taon. Habang nasa ₱37 hanggang ₱38 naman ang itinaas ng presyo ng gasolina.

Facebook Comments