Nagpaalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mahaharap sa multa ang mga drayber na sobrang maningil sa pamasahe.
Ito ay kasunod ng ilang mga napaulat na overcharging umano ng ilang jeepney drivers dahil na rin sa serye ng taas presyo sa produktong petrolyo na sinabayan pa ng matumal na bilang ng mga pasahero.
Sabi ng LTFRB, papatawan ng P5,000 na multa ang mahuhuli sa unang paglabag habang P10,000 at mai-impound nang isang buwan ang sasakyan sa ikalawang paglabag.
Kasunod nito, kung hindi pa rin anila susunod ang mga drayber ay maaari na silang patawan ng P15,000 na multa at posible pang kanselahin ang prangkisa ng mga ito.
Samantala, ngayong araw diringgin ng LTFRB ang hiling ng transport groups na taas singil sa minimum na pasahe sa jeep.