LTFRB, nagpalabas na ng kautusan para gawing libre sa mga commuters ang AFCS cards

Iniutos na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa lahat ng mga Public Utility Vehicle (PUV) operator at ang kanilang mga Automatic Fare Collection System (AFCS) na huwag nang singilin ang mga commuter ng anumang fee para sa pagbili o paggamit ng card sa kanilang pagbiyahe.

Base sa LTFRB Memorandum Circular (MC) 2020-057 o “Removal of Fees of AFCS Cards Charged to Commuters Apart from Fare Load” na inilabas kahapon, nakasaad dito na kinakailangang walang gastusin ang pasahero maliban lamang sa kanyang pamasahe sa tuwing sumasakay sa pampublikong sasakyan.

Ito’y upang hindi na makadagdag pa sa pasanin ng mga commuter.


Karamihan kasi sa mga pasahero ay mga ordinaryong manggagawang kababalik pa lamang sa kanilang trabaho at bumabawi pa lamang sa pagkawala ng kanilang kita matapos ipatupad ang istriktong community quarantine sa bansa.

Naunang ipinatupad ang mandatory cashless fare collection sa mga Public Utility Bus na bumabiyahe sa EDSA Busway route.

Ito ay bahagi ng health at sanitation measures na ipinatutupad ng Department of Transportation (DOTr) at LTFRB, alinsunod sa protocol ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Upang mabawasan ang banta ng pagkalat ng COVID-19 sa loob ng mga pampublikong sasakyan.

Facebook Comments