LTFRB, nagpalabas ng guidelines para sa mga taxi at TNVS sa ilalim ng GCQ

Naglatag na rin ng gabay o alituntunin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa operasyon ng mga taxi at Transport Network Vehicle Services (TNVS) bukas sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).

Sakop nito ang lahat ng taxi at TNVS operators na may valid at existing Provisional Authority o Certificate of Public Convenience (CPC).

Nakasaad sa Memorandum Circular No. 2020-018 na upang maiwasang mahawa o maka-hawa habang pumapasada, lahat ng bayad sa pamasahe sa taxi at TNVS ay hindi cash kundi isasagawa sa pamamagitan online facility o electronic payment.


Ibig sabihin, para makabiyahe bukas ang mga taxi unit dapat ay may internet/web-based apps para sa booking at online payment transactions.

Pinatitiyak din ng LTFRB na magkaroon ng daily record ng mga pasahero ang mga ito para may magamit sa passenger manifest for contact tracing sakaling ito ay kailanganin.

Ipatutupad din ang istriktong social distancing o 50% lamang ng dating kapasidad ng mga sakay para matiyak ang safety at public health ng pasahero.

Pagmumultahin o kaya ay kakanselahin ang CPC o Provisional Authority ng mga taxi at TNVS operator na susuway sa alituntunin.

Facebook Comments