LTFRB, nagsimula nang tumanggap ng aplikasyon para sa Expanded Equity Subsidy sa ilalim ng PUVMP

Inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagsimula na itong tumanggap ng aplikasyon para sa Expanded Equity Subsidy sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) upang makakuha ng modernized public utility vehicle (PUV).

Ang equity subsidy ay subsidiyang ibinibigay sa mga Transport Service Entities (TSE) na nakapag-consolidate at may rutang sertipikado ng board kung saan maaari silang mag-operate gamit ang mga modern PUV.

Ayon sa LTFRB, ang naturang subsidiya ay gagamitin sa pagbili ng modern PUV.


Simula nang ilunsad ang PUVMP noong 2018, sinusunod ng ahensya ang 5/6/7/8 scheme kung saan ang pagkuha ng sasakyan sa 5% down payment na may 6% loan interest na mababayaran sa loob ng pitong taon.

Ang down payment ay nagkakahalaga ng ₱80,000 nitong 2020, tinaasan ng Department of Transportation (DOTr) ang equity subsidy sa ₱160,000 bilang tugon sa pangangailangan ng mga nais makakuha ng modern PUV sa gitna ng pandemya.

Base sa inilabas na Memorandum Circular noong Hunyo 2022, mula ₱210,000 hanggang ₱600,000 na ang equity subsidy na matatanggap ng TSE na nakapag-consolidate at may ruta, at nais nang makakuha ng modern PUV.

Facebook Comments