Kasunod nang inaasahang dagsa ng mga bakasyonista ngayong Semana Santa, naka-heightened alert na simula ngayong araw ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion, layon nitong matiyak na magiging ligtas at maayos ang byahe ng mga magsisipagbakasyon.
Ayon kay Cassion, tuloy-tuloy ang ginagawang inspeksyon ng LTFRB sa mga terminal upang masiguro na road-worthy ang mga bibyaheng sasakyan.
Nagsasagawa rin aniya ng random drug test sa mga tsuper.
Mayroon din aniyang mga pulis sa mga terminal upang masawata ang mga kolorum at ang mga isnaberong driver.
Kaugnay nito, tiniyak ni Cassion na may mga help desk sa bawat terminal upang umagapay sa ating mga kababayan na uuwi sa kani-kanilang mga lalawigan ngayon Holy Week.