LTFRB, nakapaglabas ng P1.5-B para sa service contracting ng mga driver na apektado

Sinagot na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LFTRB) ang 2020 report ng Commission on Audit (COA) na sinisita ang 1 percent lang umano ang naipamahaging pondo sa ilalim ng Service Contracting Program.

Sa pahayag ng LTFRB, noong June 30 ngayong taon, nakapagpamahagi na ang ahensya ng P1.5 billion sa mga driver na benepisyaryo sa buong bansa.

Hindi umano kumpleto ang datos ng COA dahil ang binabanggit nitong 1 percent ay tumutukoy lamang sa utilization rate noong December 2020 kung saan ito ang kinokober ng COA report na isinapubliko nito.


Matapos umanong aprubahan ang Service Contracting Program noong November 2020, agad itong ipinatupad ng LTFRB upang bigyang insentibo ang mga Public Utility Vehicle (PUV) drivers at operators na pinayagang makapagbiyahe sa gitna ng pandemya.

Kasunod ito ng pagka-apruba noong December 2020 ng Memorandum of Agreement (MOA) ng LTFRB at Landbank of the Philippines.

Para naman sa natitirang P3.3 billion para sa iba pang accounts payable, nakikipag-ugnayan na ang LTFRB sa Department of Budget and Management (DBM) para maipalabas na ito.

Diin ng LTFRB, hindi makatarungang paratangan ang ahensya na may iniipit na pera.

Facebook Comments