Manila, Philippines – Iniutos na ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade ang pagbuo ng Technical Working Group (TWG) na siya namang bubuo ng formula-driven matrix na pagbabatayan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sakaling muling magkaroon ng adjustment sa pasahe.
Sabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra III, nagpupulong na ang TWG para ayusin ang formula para sa fare adjustment.
Kapag naisapinal na nila ito ay magkakaroon muna ng public consultation bago ito tuluyang aprubahan at ipatupad.
Paliwanag pa ni Delgra, sa pamamagitan ng isang formula ay madali nang maitatakda ang bagong fare rates batay sa iba’t ibang sirkumstansya na makaaapekto dito.
Umaasa naman si Delgra na sa unang quarter ng 2019 ay mailalabas na ng TWG ang formula.
Matatandaan na mula sa P8 na minimum fare, itinaas ito sa P9 sa pamamagitan ng pisong provisional fare increase at sinundan ng pagtataas ng pasahe sa P10 pero muli ring naibalik sa nuwebe pesos ang minimum fare.