LTFRB, nakiusap sa mga TNVS driver kasunod ng planong tigil-pasada sa mga peak hour ngayong holiday season

Sinimulan ngayong araw ang dayalogo sa pagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at mga TNVS driver kaugnay ng isyu sa surge pricing.

Ayon kay LTFRB Chair Vigor Mendoza II, tinalakay sa pagdinig ang problema sa mababang pick-up rate, kasunod ng reklamo ng mga driver na naaapektuhan ito ng matinding trapiko at ng malalayong lokasyon ng mga pasahero. Target ng ahensya na maipatupad ang kaukulang panuntunan ngayong December 20.

Natalakay rin sa hearing ang reklamo ng mga TNVS driver hinggil sa umano’y hindi patas na pagkansela ng mga booking.

Kasunod nito, nakiusap si Mendoza sa mga driver na huwag nang ituloy ang planong tigil-pasada, lalo na ngayong mataas ang pangangailangan ng mga pasahero sa masasakyan sa panahon ng holiday season.

Aniya, maaari namang maresolba ang mga isyu sa pamamagitan ng maayos na dayalogo at patuloy na konsultasyon.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang pagdinig sa pagitan ng LTFRB at mga TNVS driver, at umaasa ang ahensya na maipatutupad nang maayos at patas ang mga napagkasunduang panuntunan.

Facebook Comments