Pinagsabihan ni Antipolo City Rep. Romeo Acop ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil tila naging unlimited na ang pilot study nito na layuning pag-aralan ang panukalang pahintulutang pumasada ang mga motorsiklo.
Sa pagdinig ng pinamumunuang House Committee on Transportation ay sinermonan ni Acop si LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III dahil mistulang kinuha ng ahensya ang kapangyarihan ng Kongreso matapos hayaan ang pagbiyahe ng mga motorcycle taxi kahit wala pang batas.
Napuna din ni Acop, namonopolya na ng tatlong kompanya ang motorcycle taxi sa bansa na kinabibilangan ng Angkas, Joyride at Move It habang ang iba pang nais lumahok sa pilot study ay hindi nabigyan ng pagkakataon.
Bilang sagot ay nilinaw ni Guadiz na tapos na ang pilot study at nakapagsumite na ng report ang ahensya sa komite.
Pero diin ni Acop, walang sinabi ang LTFRB na tapos na ang pilot study dahil mukhang inaantay nito ang Kongreso na pahintuin ang pilot study na dapat ay 2021 pa natapos.
Paliwanag naman ng LTFRB, base sa Memorandum Circular 2023-004 ay inaalis ang limitasyon sa panahon ng pilot study.