LTFRB, nilinaw na hindi kasama sa 27-month transition period ang mga tsuper at operator na hindi nakapag-consolidate ng kanilang mga unit

Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi sakop ng 27-month transition period sa environmentally friendly na mga minibus at e-jeep ang mga tsuper at operator na hindi nakapag-consolidate ng kanilang mga unit.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni LTFRB National Capital Region (NCR) Director Zona Russet Tamayo, tanging ang mga nakapag-consolidate lamang hanggang nitong December 31, 2023 ang sakop ng naturang transition period.

Ayon kay Tamayo, titignan din muna aniya nila ang percentage ng consolidation sa mga ruta ngayong Enero at tsaka unti-unting sisimulan ang transition period.


Sa oras aniya na makita ng LTFRB ang datos ay hindi na papayagang makabiyahe ang unconsolidated jeepneys sa kanilang mga ruta simula February 1.

Gayunpaman, posibleng payagang pa rin makabiyahe sa mga maiikling ruta ang mga unconsolidated unit sa Metro Manila.

Tutukuyin din muna nila kung may mga ruta na kahit walang nag-consolidate ay masasalo pa rin ng mga rutang may mataas na consolidation percentage.

Samantala sinabi rin ni Tamayo na nasa 97.18% ng mga registered jeep noong 2023 ang nagconsolidate kung kaya’t tinitiyak nilang may sapat na transportasyon sa Metro Manila.

Facebook Comments