Nilanaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang anunsyo na inilabas ng ilang provincial bus operator na limitado na lang sa ‘window hour scheme’ ng MMDA na 10 PM hanggang 5 PM na lang ang kanilang operayon.
Magugunita na, inanunsyo ng MMDA ang pagsisimula ng two-week dry run ng pagbabalik ng mga provincial buses sa EDSA noong March 24.
Pero sa pahayag ng LTFRB, iginiit ng ahensya na ang pagsunod sa window scheme ng MMDA ay hindi nangangahulugan na ang operasyon ng mga provincial bus ay magsisimula lamang ng 10 PM hanggang 5 AM.
Gaya umano ng ipinaliwanag ng MMDA sa pagpupulong, ang kanilang naging kasunduan sa mga provincial bus operator ay maaaring gamitin ang kanilang pribadong terminal mula 10 PM hanggang 5 AM.
Pero kapag lagpas na sa window scheme kinakailangan magtungo sa mga terminal kung saan may mga city bus na maghahatid sa mga pasahero.
Halimbawa na rito ang PITX, NLET at SRIT.
Binigyang diin din ng ahensya na ang mga permit to operate ay ibinigay sa mga provincial bus operator para maghatid ng mga pasahero anumang oras kapag may pangangailangan at hindi lamang sa loob ng window hours.