Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi pa nito pinapayagan ang pagbabalik ng operasyon ng Angkas motorcycle taxis.
Ginawa ng LTFRB ang paglilinaw para hindi malito ang tao kasunod ng naglabasang artikulo na inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagbabalik-operasyon ng motorcycle taxis.
Ang ikinukonsidera ng IATF ay ang pagpayag sa mga private motorcycles na may angkas na hanggang ngayon ay nasa proseso pa ng pagbalangkas ng mga pamamaraan alinsunod sa health at safety protocols.
Idedetermina ng mga ahensiya tulad ng Department of Transportation (DOTr), Department of Science and Technology (DOST), Department of Health (DOH), Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Trade and Industry (DTI) ang pinakaligtas at pinaka-epektibong paraan para mabawasan ang panganib sa back riding.
Ibang usapan aniya dito ang pagbabalik-operasyon ng Angkas na nagtapos na ang pilot study o trial period noong Abril.
Isinumite na ng LTFRB ang kanilang rekomendasyon sa Kamara at naghihintay na lamang ng tugon kung papayagan pang makapagbiyahe ang mga motorcycle taxis.