LTFRB, pinag-iingat ang mga tsuper at pasahero sa matinding init ng panahon

Pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga tsuper at pasahero ng passenger vehicles na ingatan ang kalusugan laban sa epekto ng matinding init ng panahon sa ngayon dulot ng El Niño phenomenon.

Ang paalala ay ginawa ng LTFRB dahil sa posibleng makaranas ng heat cramps, heat stroke, at heat exhaustion ang mga indibidwal na may matagal na exposure sa init ng araw.

Dagdag ng LTFRB, kailangan ng dobleng pag-iingat ng mga nabanggit upang maiwasan ang mataas na temperatura ng katawan; pagkahilo o panghihina; mabilis na pagtibok ng puso; pamumula ng balat; pagsusuka; at malalang pagsakit ng ulo o pagkabalisa dulot ng matinding init ng panahon.


Malaking tulong umano ang pagsuot ng komportableng damit; magpahinga sa mga oras na sobrang init at kung maaari ay huwag nang umalis ng bahay kung hindi kinakailangan; uminom ng maraming tubig; at iwasang magbabad sa gitna ng init ng araw.

Una nang ipinaalala ng PAGASA na mas mainam kung limitahan o iwasan nalang muna ang ibat-ibang aktibidad sa pagitan ng alas-dose ng tanghali hanggang alas-kuwatro ng hapon upang maiwasan ang epekto ng sobrang init ng panahon.

Facebook Comments