Isinasapinal pa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang guidelines para sa pagpapatupad ng fare discount sa mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay LTFRB Technical Division Head Joel Bolano, tinutukoy pa ng ahensya ang mga rutang isasailalim sa service contracting program.
Tiniyak ng opisyal na makakasali sa programa ang lahat ng mga tsuper na namamasada sa mapipili nilang ruta.
Pinawi naman ni Bolano ang pangamba ng mga PUV driver at operators na malugi dahil sa fare discount.
“Kasi marami po ang agam-agam ng ating mga driver, nung ating mga operator na mababawasan po yung kikitain nila. Hindi po. Kaya nga po tayo may budget na 1.2 billion kasi ito pong magiging implementasyon, kung matatandaan po nila under the service contracting program, kung sakaling magdi-discount po sila ay babayaran po ito ng pamahalaan. So, maibabalik po sa kanila, wala pong malulugi,” paliwanag ni Bolano sa interview ng DZXL.
“Kumbaga binabalanse po ng ating pamahalaan yung benefits doon sa mga pasahero then benefits din po doon sa driver at operator ng ating public transport.”
Kaugnay nito, pinag-aaralan na rin ng LTFRB kung paano imo-monitor ang mga PUV na lalahok sa fare discount na pagbabasehan ng halagang ibabayad sa kanila.
“Ngayon po, pina-finalize kung paano ang monitoring. Nung nakaraang service contracting, ang monitoring natin no’n ay through the manual monitoring sa EDSA, dun naman sa ibang ruta ay through GPS kasi by street kasi ito dati. Ngayon naman po, inaaral natin kung paano natin sila imo-monitor. Yun po kasi ang basis nung payment, kung paano sila mababayaran. We’re looking at using a technology, para masigurado,” saad pa ni Bolano.
Target ng LTFRB na masimulan ang pagbibigay ng fare discount sa Abril.