LTFRB, pupulungin ang DBP at Landbank upang magkaroon ng recalibration sa pagbabayad sa inutang na modern jeepney

Maaring mapagaan ang pagbabayad ng limang operators na kumuha ng mga modernong sasakyan sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Inanunsyo ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III na makikipagdiyalogo siya sa sa mga Government Financing Institutions (GFIs) upang matulungan ang mga jeepney cooperatives at individual operators na di makaagapay sa pagbabayad ng kanilang utang.

Ani Guadiz, mahalagang matulungan ang mga kooperatiba at individual operators upang matiyak na magtutuloy-tuloy ang implementasyon ng PUV modernization program.

Aminado si Guadiz na hirap na ang mga namuhunan sa modern jeepney units.

Dumaraing na kasi ang mga transport operators sa humihinang kita dahil nabawasan na ang mga pasahero sa ilang ruta.

At dahil sa tumataas na gastos sa maintenance, hindi na mahabol ng kanilang arawang kita ang fixed amortization schedules.

Isa sa tinitingnan ng opisyal ang pagkakaroon ng moratorium o recalibrated payment schemes, partikular sa mga kooperatiba na nakasunod na sa PUV modernization program.

Facebook Comments