
Sinuspinde sa loob ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang limang units ng Rural Transit Mindanao Inc., (RTMI) kasunod ng pagkahulog sa bangin ng isa sa mga bus nito sa Zamboanga del Sur na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang pasahero at pagkasugat ng 28 na iba pa.
Batay sa imbestigasyon, galing sa bayan ng Sindangan patungong Pagadian City ang bus nang pumutok ang gulong nito sa bahagi ng Purok 4 sa Barangay Mahayahay.
Ito aniya ang naging dahilan ng kawalan ng kontrol ng driver sa manibela hanggang mahulog ang bus sa bangin.
Nag-isyu na ang LTFRB ng Show Cause Order (SCO) sa RTMI upang paharapin sila sa isang pagdinig sa July 17, 2025 sa LTFRB Regional Office sa Cagayan de Oro City upang pagpaliwanagin kung bakit di sila dapat patawan ng parusa.
Kapag nabigong humarap ang RTMI sa pagdinig ay maglalabas na ang desisyon ang LTFRB batay sa hawak nilang ebidensya.









