LTFRB, tiwalang mabibigo ang grupong MANIBELA sa 3 araw na tigil-pasada sa SONA ni Pangulong Bongbong Marcos

Kumpiyansa si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Atty. Teofilo Guadiz III na mabibigo lamang ang tatlong araw na tigil-pasada ng grupong Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (MANIBELA) sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos sa susunod na linggo.

Ito ay makaraang na dumalo sa press conference ng 12 transport group si Chairman Guadiz.

Ayon kay Guadiz, hindi sasama ang malalaking grupo ng transportasyon sa tigil-pasada.


Kabilang dito ang Pasang Masda, MASDA, FEDJODAP, ALTODAP, LTOP, ACTO, Stop and Go Coalition, PBOA, TAXI, UV Express, at Confederation of Truckers Association of the Philippines.

Kasunod nito, nagkapit-bisig pa ang mga lider ng transport groups at si LTFRB Chairman Guadiz para ipakita ang kanilang pagkakaisa at buong suporta.

Kasama na rito ang isinusulong na programa sa modernisasyon sa pampublikong transportasyon.

Kasunod nito, nanawagan muli si Guadiz sa grupong MANIBELA na mag-usap sila.

Giit ng opisyal, wala naman umanong hindi nareresolbang problema kung hindi mag-uusap.

Facebook Comments