Umaapela ngayon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa hatchback TNVS community na ikunsidera ang ikinasa nilang transport holiday sa Lunes, July 8.
Sa isang kalatas pambalitaan, sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra III na dapat munang isaalang-alang ang kapakanan ng riding public kaysa sa isang aksyon na magdudulot lamang ng perwisyo.
Hinikayat ni Delgra ang TNVS groups at Defend Job Philippines Labor Group na iakyat na lamang ang kanilang reklamo sa LTFRB Board at huwag gawing hostage ang publiko ng kanilang makasariling layunin.
Bukas naman aniya ang LTFRB sa kritisismo at handang makinig sa lahat ng stakeholders.
Tiniyak ng LTFRB chief na nanatili ang paninindigan nito na gawing ligtas at kumbinyente ang commuting public sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga regulasyon para sa lehitimong operasyon ng proper operation ng mga TNVS.
Una nang nagbanta ang hatchback community na magtutuluy-tuloy pa ang kanilang transport holiday hanggat hindi nila nakukuha ang kanilang inilatag na demand.
Kabilang sa mga demand na ito ay ang moratorium o pagpapatigil sa panghuhuli ng TNVS, paglalatag ng systematic application process at pagbalangkas ng batas para dito at pagpapadali ng proseso sa pagkuha ng prangkisa o certificate of Public Convenience.