Taliwas sa mga pahayag ng taxi operators, wala pang natatanggap ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil na petisyon hinggil sa hirit nilang taas-pasahe o dagdag na flagdown rate.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni LTFRB Executive Director Kristina Cassion na nag-trace back sila sa kanilang mga dokumento at files, subalit wala naman silang natatanggap na petisyon galing sa mga taxi operator na isinumite noon pa umanong Marso.
Ayon kay Cassion, nakatanggap din sila ng balita na maghahain pa lamang pala ng petisyon ang mga taxi operators.
Paliwanag nito, hindi pwedeng umaksyon ang LTFRB board kung walang naihaing petisyon na pagbabasehan ng kanilang hirit na fare hike.
Samantala sa kaso naman ng mga TNVS, natanggap na aniya ng LTFRB ang petisyon ng mga ito isa o dalawang linggo na ang nakararaan.
Kasama aniya ito sa pinag-aaralan ng kanilang board at sa katunayan nitong Mayo 29 ang huling pagdinig para sa petisyong dagdag flagdown rate ng mga TNVS.