LTFRB, walang planong magpataw ng parusa sa mga lumahok sa transport strike

Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na walang ipapataw na parusa sa mga transport group na nakiisa sa tigil-pasada ng grupong PISTON.

Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, kinikilala nila ang karapatan ng mga tsuper at operator na magpahayag at iparating ang kanilang hinaing.

Gayunman, ibang usapin kung magsasagawa ng pangha-harass ang mga transport group sa ibang mga driver na ayaw sumali o makiisa sa tigil-pasada.


Ani Guadiz, posibleng kanselahin ng ahensya ang prangkisa ng mga driver at operator na mangha-harass sa kapwa nila tsuper.

Dagdag ng opisyal, nauunawaan ng ahensya ang sitwasyon ng mga tsuper at operator na nagsasagawa ng kilos-protesta kaya minarapat nilang magkipag-dayalogo sa grupong PISTON.

Aniya, ang layunin lang ng pamahalaan ay mapabuti ang public utility vehicle (PUV) sa ilalim ng programang modernisasyon.

Sa ngayon, nag-deploy ng 100 sasakyan ang ahensya upang maghatid ng serbisyo sa 2,600 na pasaherong posibleng maapektuhan ng transport strike.

Facebook Comments