Nakatakdang itaas ng Land Transportation Office (LTO) ang alerto nito bilang bahagi ng “Oplan Biyaheng Ayos Undas 2022″.
Ito’y para matutukan ang kaligtasan ng mga pasahero at motorista sa panahon ng paggunita ng Undas ngayong taon.
Simula sa Oktubre 27 hanggang Nobyembre 4, ipatutupad ng LTO ang heightened alert sa lahat ng mga tanggapan nito sa bansa.
Ibig sabihin nito, hindi muna maaaring makapag-day-off o bakasyon ang mga LTO enforcer na pakikilusin sa mga nasabing araw.
Para sa taong ito, ipinahayag ng LTO na ang kaligtasan sa daan at defensive driving ang isa sa mga aktibidad na itatampok sa “Oplan Biyaheng Ayos Undas 2022” ng ahensya.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III, naasahan na nila na dahil sa pagluwag sa pagbiyahe sa gitna ng COVID-19 pandemic ay mas marami ang daragsa sa mga sementeryo upang bisitahin ang mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Kaugnay nito ay ikinasa na ng LTO ang mga aktibidad upang magabayan ang mga drayber at operator ng public utility vehicles (PUVs), pribadong sasakyan at ng pangkalahatang publiko hinggil sa kahalagahan ng pagsunod sa mga batas-trapiko.
Sinimulan na rin ang pag-deploy ng mobile teams ng LTO Central Office sa mga transport terminal sa National Capital Region kung saan hiwalay ito sa inspeksyong isinasagawa ng mga tauhan ng LTO sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.