Nangako ang Land Transportation Office (LTO) at Dermalog na magtutulungan para resolbahin ang mga problemang nararanasan ng motoring public sa pakikipagtransaksyon sa ahensya nitong mga nakaraang araw.
Pinag-usapan na ng mga opisyal ng LTO at ng IT provider kung paano pagbutihin ang business processes at karanasan ng customer sa pag-avail ng mga serbisyong inaalok ng LTO.
Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III, isa sa una nilang solusyon ay ang pag-activate ng Motor Vehicle Registration Information System, na parehong pinaniniwalaan ng LTO at Dermalog na makatutulong sa pagbabawas ng mahabang pila sa iba’t ibang opisina ng LTO.
Magpupulong pa sa mga susunod na araw ang mga opisyal ng LTO at Dermalog para isapinal ang pagpapatupad ng MVRIS sa pampublikong portal ng Land Transportation Management System.
Tiniyak naman ng Dermalog na nagsisikap itong tulungan ang LTO sa paglutas ng mga isyu at gawing mas tumutugon at adaptive ang mga proseso.