Manila, Philippines – Ipinaubaya na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapasya sa kaso ng aktres na si Maria Isabel Lopez na lumabag sa security protocol noong kasagsagan ng ASEAN Summit sa bansa.
Ayon kay MMDA Assistance General Manager Joel Garcia, natapos na nila ang imbestigasyon sa kaso ni Lopez at naisampa na nila sa Land Transportation Office (LTO) ang kaso kaya wala na umano silang hurisdiksyon sa kaso ni Lopez ngunit pinaalalahanan ni Garcia ang mga sasakyang sumunod kay Lopez noon na sila ay hindi dapat maging kampante dahil nire-review na nila ang kopya ng CCTV ng mangyari ang naturang insidente.
Dagdag pa ni Garcia na isa isa nilang kikilalanin ang mga driver ng mga sasakyang dumaan sa ASEAN lane sa pamamagitan ng CCTV upang mapanagot sa batas trapiko.
Giit ng opisyal, nagsimula na rin ang kanilang imbestigasyon at kinukumpirma nila ang pahayag ni Lopez na hindi siya nag-iisang dumaan sa ASEAN lane.