LTO, inihayag na hindi pa rin lusot ang anak ng may-ari ng SUV na umararo sa 12 sasakyan sa Mandaluyong City; driver’s license ng anak, isinuko na

Isinuko na sa Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng estudyante na kasama sa sakay ng SUV na umararo sa 12 sasakyan sa Mandaluyong City noong isang linggo.

Sumipot kanina sa LTO ang abogadong ama na tumayo ring legal counsel ng 19-anyos niyang anak.

Hindi nakaharap ang sinasabing mismong driver na si Dominador Varga dahil nakapiit ito sa Mandaluyong City Police station dahil sa kasong reckless imprudence resulting to physical injuries and damage to properties


Sinabi ni Reinante Militante, ang officer-in-charge ng Intelligence and Investigation Division ng LTO na nanindigan ang abugado ng driver na hindi ang 19-anyos niyang anak ang nagmamaneho nang mangyari ang mistulang pagsargo sa mga nakaparadang sasakyan na ikinasugat ng mahigit sampung katao.

Gayunman, sinabi ni Militante na hindi pa rin nila isasantabi ang posibilidad na ang esudyante ang may hawak ng manibela.

Iniimbestigahan pa rin nila ang mga sinasabing nagpa-practice ng pagmamaneho ang estudyante.

Kailangan aniya nilang makausap si Varga para malaman ang katotohanan.

Itinakda muli ng LTO ang pagpapatuloy ng pagdinig sa January 30 at inaasahan nila ang pagharap dito ni Varga.

Facebook Comments