LTO, ipinag-utos na ang imbestigasyon sa reklamo ng transport blogger na mabagal na proseso sa pagtubos ng lisensiya sa ahensya

Ipinag-utos na ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao na imbestigahan ang reklamong inihain ng transport blogger at writer na si James Deakin laban sa ilang tauhan ng LTO Central Office.

Una rito, idinetalye ni Deakin ang pagkadismaya sa proseso sa pagtubos sa lisensya ng kanyang anak matapos ang isang paglabag sa batas-trapiko sa Skyway Stage 3, Quezon City noong December 18, 2025.

Dahil dito, ipinag-utos na rin ni Asec. Lacanilao ang pansamantalang suspensiyon ng mga LTO personnel na umano’y nasangkot habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon hinggil sa alegasyong iregularidad sa pagproseso ng nakumpiskang driver’s license.

Humiling na rin ang LTO ng kopya ng CCTV footage mula sa Skyway Corporation para matukoy kung naging makatuwiran at naaayon sa patakaran ang ginawang panghuhuli ng deputized Law Enforcement Officer na sangkot sa insidente.

Siniguro ni Asec. Lacanilao na hindi binabalewala ng LTO ang mga naturang alegasyon, at pananagutin ang mga tauhan kung mapatunayang may pananagutan ang mga ito.

Facebook Comments