LTO, ipinasara ang isang driving school sa Region 6 dahil sa iba’t ibang paglabag

Isinara at pinagmulta ng Land Transportation Office (LTO) ang isang accredited driving school sa Jaro, Iloilo City dahil sa paglabag sa regulatory guidelines.

Kabuuang Php 80,000 multa at anim na buwang suspensiyon ang ipinataw ng LTO Region 6 sa driving school.

Nilabag nito ang isang Memorandum Circular kaugnay sa Revised Omnibus Guidelines on the Accreditation, Supervision, and Control of Driving Institutions, and the Standardization of Driver and Conductors Education.


Nag-isyu umano ang driving school ng “no show” certificate of completion para sa isang Theoretical Driving Course (TDC) sa isang estudyante o aspiring license applicant.

Bukod pa rito, nabigo ang driving school na magbigay ng mga kinakailangang recording ng TDC sa Regional Accreditation Committee on Driving Institutions (RACDI).

Sinabi ni LTO Region 6 OIC-Regional Director Gaudioso Geduspan II, ang aksyong ito ng ahensya ay magsisilbing babala sa iba pang driving schools na sumunod sa guidelines at mapanatili ang mataas na pamantayan sa edukasyon ng driver at konduktor.

Facebook Comments