Magpapataw na ang Land Transportation Office (LTO) ng mas mabigat na parusa para sa mga pasaway na motorista na gumagamit ng EDSA Bus Carousel.
Kasabay nito, magde-deploy si LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza ng karagdagang mga tauhan para suportahan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagbabantay sa mga EDSA Bus Carousel routes.
Mahigpit na na ipinagbabawal sa mga private vehicles ang paggamit sa EDSA Bus Carousel lane.
Ang EDSA busway ay daanan lang ng mga city buses at mga sasakyan na para sa emergency response tulad ng ambulansya, fire trucks at police cars.
Ayon kay Mendoza, dapat nang tuldukan ang nagiging bisyo na ng ilang mga abusadong motorista na paggamit ng EDSA Bus Carousel.
Tinutunton na ngayon ng LTO-National Capital Region ang operator at driver ng taxi na nagpabara sa Edsa busway noong lumubog sa baha ang harap ng Camp Aguinaldo Gate 3 noong September 23.
Pinaiimbestigahan na rin ng LTO ang isang motorista na nanakit sa isang MMDA traffic enforcer dahil sa aktong pagtakas nito dahil sa paggamit sa EDSA Bus Carousel lane noong September 21.