LTO, mangangailangan ng P2.5-B para maresolba ang backlog sa motorcycle plates pagsapit ng 2022

Iginiit ng Land Transportation Office (LTO) na mangangailangan sila ng ₱2.5 billion para makapaggawa ng 18 milyong bagong plaka ng motorsiklo sa susunod na taon.

Ayon kay LTO Assistant Secretary Edgar Galvante, aabot na sa tatlong milyong motorcycle plates ang kanilang nagawa, at naipamahagi na ito sa iba’t ibang rehiyon.

Pero dahil sa malaking backlog at limitadong kapasidad ng planta ng ahensya, sinabi ni Galvante na naghahanap sila ng iba pang pasilidad para tumulong sa paggawa ng mga plaka, partikular sa mga unit na nakarehistro sa 2017.


“Kung maibibigay iyong kaukulang pondo para rito, sa palagay namin magagawa po iyon. Dahil hindi lang po ang LTO plate-making plant ang gagawa noong plaka kundi iyon na rin pong maaring manalo na mag-supply para dito sa ibang plaka,” paliwanag ni Galvante.

Aminado rin si Galvante na nakaapekto sa pag-iimprenta ng motorcycle plates ang COVID-19 pandemic.

“Dahil sa pandemya, iyong mga inhinyero from Germany at Netherlands na mag-iinstall ng dagdag na equipment ay hindi nakarating. Ito ay nag-cause ng isang malaking delay sa dami ng motorcycle plates na iimprenta ng LTO araw-araw,” ani Galvante.

Ang ₱2.5 billion na pondo ay isinama na nila sa kanilang budget request.

Samantala, nilinaw ng LTO na ang produksyon ng mga plaka para sa four-wheel vehicle ay hindi apektado.

Facebook Comments