Pinaalalahanan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga motorista sa nalalapit na pagpapatupad ng single-ticketing system sa Metro Manila.
Ayon kay LTO Chief Jay Art Tugade, magkakaroon ng demerit system sa ilalim ng bagong polisiya kung saan ang mga lalabag sa batas-trapiko ay may kaakibat na demerit points.
Kapag umabot ito sa 10 demerit points ay oobligahin na ang driver na sumailalim sa re-orientation course at maaari pang humantong sa pagpapawalang bisa ng lisensya kung umabot sa 40 ang demerit points.
Niliwanag naman ni Tugade na hindi kukumpiskahin ang lisensya ng motorista kapag nahuling lumabag sa batas trapiko maliban na lamang kung ito ay may pending pang multa na hindi nababayaran.
Sa sistemang ito, pitong lokal na pamahalaan ang kasama sa inisyal na rollout nito sa May 2,2023 kabilang ang San Juan City, Quezon City, Parañaque, Manila, Muntinlupa, Valenzuela, at Caloocan.
Ayon sa LTO chief, handa na ang mga nabanggit na LGU sa pagpapatupad ng unified ticketing system kung saan magkakaroon sila ng koneksyon sa database ng LTO.