
Inisyuhan ng Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order ang driver ng sasakyan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos na mag-counterflow.
Batay sa kumakalat na viral video, nagmaniobra sa kabilang direksyon ang driver na maituturing na paglabag sa batas trapiko at maaaring magdulot ng malaking panganib sa iba pang motorista.
Dahil dito, pinahaharap ang mga sangkot sa insidente sa Intelligence and Investigation Division upang magsumite ng beripikadong pahayag o komento kung bakit hindi dapat maharap ang mga ito sa kaukulang reklamo at bawiin ang lisensya nito.
Samantala, sinuspinde naman ng 90 araw ang driver’s license ng driver ng LTFRB vehicle habang isinailalim naman sa alarm status ang sasakyan habang gumugulong ang imbestigasyon.
Kasabay ng imbestigasyon, kinakailangan ring isuko ng driver ang lisensya nito sa nakatakdang araw ng pagdinig.










