Nagpalabas ang Land Transportation Office (LTO) ng show-cause –order (SCO) laban sa driver ng isang sasakyan na nag-viral sa social media na umiinom ng alak habang nagmamaneho sa may kahabaan ng 7th Avenue sa Bonifacio High Street sa Global City Taguig noong September 23.
Ang driver at may-ari ng naturang sasakyan na taga Sta. Mesa, Maynila ay pinapaharap ng LTO sa October 15 , Martes sa LTO Intelligence and Investigation Division sa main office ng ahensiya sa East Avenue Quezon City upang magpaliwanag kung bakit hindi maaaring parusahan at sampahan ng kaso kaugnay nang naganap na insidente.
Ang driver at mag-ari ng sasakyan ay posibleng maharap sa kasong Reckless Driving (Sec. 48 of R.A. 4136), Driving While Under the Influence of Liquor or Narcotic Drug (Sec. 53 of R.A. 4136) at Improper Person to Operate a Motor Vehicle pursuant to Sec. 27 (a) of R.A. 4136.
Kapag napatunayang nagkasala sa nabanggit na mga kaso, ang driver ng sasakyan ay babawian ng LTO ng driver’s license nito.