Thursday, January 22, 2026

LTO, nag-isyu ng show cause order laban sa may-ari at driver ng barangay service vehicle na dapat ay pangkargamento

Nag-isyu ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa rehistradong may-ari at driver ng isang pick-up truck na ginawang barangay service vehicle, matapos itong mag-viral online.

Ayon sa LTO, imbes na kargamento ang sakay sa pick-up bed ay anim na pasahero ang isinakay, bagay na itinuturing ng ahensya na lubhang mapanganib dahil walang upuan, seatbelt, o anumang hawakan ang mga pasahero.

Dahil dito, pinapaharap ang mga sangkot sa Intelligence and Investigation Division ng LTO upang magsumite ng verified documents at paliwanag kung bakit hindi sila dapat masampahan ng kasong administratibo kaugnay ng insidente.

Kasabay nito, isususpinde ng 90 araw ang lisensya ng driver na nagmaneho ng nasabing sasakyan, habang ilalagay naman sa alarm status ang pick-up truck.

Babala pa ng LTO, kung hindi sisipot ang may-ari at driver sa itinakdang pagdinig, papagdesisyunan ang kaso batay sa mga dokumentong hawak ng ahensya.

Facebook Comments