LTO, nag-isyu ng show cause order laban sa traffic enforcer at may-ari ng motorsiklo dahil sa paglabag sa batas trapiko

Nagpalabas ang Land Transportation Office (LTO) ng show cause order laban sa isang traffic enforcer at sa may-ari ng motorsiklong minamaneho nito dahil sa ilang paglabag sa batas trapiko.

Batay sa imbestigasyon ng LTO na nag-ugat sa isang viral video, makikitang bumibiyahe sa pampublikong kalsada ang naturang enforcer na may angkas na pinaniniwalaan ding traffic enforcer, na kapwa walang suot na helmet.

Bukod dito, kapansin-pansin din ang pagliko nito pakanan nang walang wastong signal light.

Ayon sa LTO, malinaw na paglabag sa mga umiiral na batas trapiko ang mga aksyong nakuhanan sa video.

Dahil dito, inatasan ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang rider na traffic enforcer at ang may-ari ng motorsiklo na humarap sa Intelligence and Investigation Division ng ahensya at magsumite ng beripikadong pahayag upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa mga kasong reckless driving, failure to use signal when starting, stopping, or turning, at mandatory use of motorcycle helmet.

Dagdag pa ni Lacanilao, kinakailangan ding ipaliwanag ng rider kung bakit hindi dapat masuspinde o tuluyang mabawi ang kanyang driver’s license.

Sa kasalukuyan, sasailalim sa 90-araw na preventive suspension ang lisensya ng rider sa sandaling makumpirma ang kanyang pagkakakilanlan.

Facebook Comments