
Naglabas na ng Show Cause Order and Land Transportation Office (LTO) laban sa may-ari ng isang dump truck na nasangkot sa pang-aararo kahapon, November 25 sa Sumulong Highway, Barangay Dela Paz, Antipolo City, Rizal kung saan tatlo ang napaulat na namatay habang apat naman ang sugatan.
Iniutos ni LTO chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang Intelligence and Investigation Division (IID) na ipatawag ang rehistradong may-ari, o ang kaniyang kinatawan, at isang kaanak o kinatawan naman ng nasawing drayber na humarap sa gagawing imbestigasyon sa LTO sa Biyernes, November 28.
Pinagsusumite rin ang may-ari ng truck ng beripikado/sworn comment o paliwanag kung bakit hindi sila dapat makasuhan ng administratibo na may kinalaman sa pagpapatakbo ng sasakyan na may depektibo o hindi awtorisadong accessories, devices, equipment, o parts.
Kaugnay nito, pinagpapasa rin ng LTO ng Motor Vehicle Inspection Report (MVIR) ang may-ari upang patunayan ang roadworthiness ng sasakyan.
Samantala, inatasan din ang kaanak ng yumaong driver na isuko ang kanyang lisensya para sa safekeeping hanggang sa tuluyang maresolba ang kaso.









