LTO, naglabas ng SCO laban sa rehistradong may-ari at sa driver ng wing van truck sa multiple collision sa QC na ikinasawi ng apat na katao at ikinasugat ng 26 na iba pa

Naglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari at sa driver ng wing van truck na umararo sa sasakyan sa kahabaan ng flyover ng Katipunan Avenue sa Barangay Loyola Heights.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II na layon ng SCO na imbestigahan ang nangyaring karambola ng maraming sasakyan na ikinasawi ng apat na katao at pagkasugat ng 26 iba pa.

Sa inilabas na SCO na pirmado ni LTO-LES Director Eduardo de Guzman, inaatasan ang registered owner na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng parusa dahil sa malagim na aksidente.


Inatasan din ng LTO ang driver na si Richard Mangupag na magsumite ng written explanation kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng reckless driving at kung bakit hindi dapat suspindehin o bawiin ang kanyang driver’s license dahil sa pagiging improper person sa pagpapatakbo ng motor vehicle.

Pinatawan din ng 90 days preventive suspension ni Mendoza ang driving privilege ni Mangupag.

Inatasan din ito ng LTO na isuko ang kanyang driver’s license bago ang December 10, ang nakatakdang unang pagdinig.

Nitong 6:55 PM kagabi, binabaybay ni Mangupag ang Katipunan Avenue/Aurora Fly-over mula sa direksyon ng Col. Bonny Serrano Avenue at patungong C.P. Garcia Avenue nang mawalan ng preno ang minamaneho nitong truck kung kaya dire-diretso nitong inararo ang 16 na motorsiklo at limang motor vehicles.

Facebook Comments