Ipinatatawag na ng Land Transportation Office (LTO) ang driver at may-ari ng Sports Utility Vehicle (SUV) na nakabangga at nakapatay ng motorcycle rider sa Maynila.
Kasunod ito ng ipinalabas na show cause order ng LTO Intelligence and Investigation Division (IID) na nag-aatas sa drayber at may-ari ng Subaru Forester na may plakang AMC-528 na humarap sa tanggapan nito sa LTO Central Office sa Quezon City sa darating na Lunes, Nobyembre 7, sa oras na alas-10:00 ng umaga.
Pinagpapaliwanag ang drayber ng SUV kung bakit hindi ito dapat madiin sa mga administratibong kaso na Reckless Driving at Driving While Under the Influence of Alcohol at kung bakit hindi dapat masuspinde o mabawi ang lisensya nito dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle, alinsunod sa Sec. 27(a) ng Republic Act 4136.
Bunsod na rin ng bigat ng ginawang paglabag, naka-alarma na ngayon ang pangalan ng drayber/may-ari ng SUV at ang sasakyan nito habang nagpapatuloy ang pagsisiyasat.
Sakaling mabigong sumipot ang drayber/may-ari ng SUV at hindi makapagsumite ng paliwanag, magpapasya ang IID batay sa mga ebidensya.