Naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) laban sa driver ng boom truck na bumangga sa dalawang sasakyan sa Barangay West Triangle in Quezon City noong January 3.
Sa inilabas na SCO, pinagpapaliwanag ang driver ng truck kung bakit hindi ito dapat patawan ng parusa partikular na ang reckless driving at paglabag sa Republic Act No. 4136 o ang Improper Person to Operate a Motor Vehicle na may maximum penalty na tuluyang pagkansela ng driver’s license.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, pinahaharap ang driver ng truck sa tanggapan ng LTO-NCR sa Quezon City sa January 17.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nakatigil ang dalawang sasakyan malapit sa traffic light sa corner Quezon Avenue at Examiner Street nang banggain ito ng boom truck.
Tumigil lamang ang boom truck nang ito ay bumangga na sa planter box sa nasabing kalsada.
Samantala, naglabas din ng SCO ang LTO-NCR laban sa driver ng Toyota Vios na sangkot sa viral road rage video sa Quezon City at nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang driver.