Friday, January 23, 2026

LTO, naglabas ng show cause order laban sa kumpanya at driver ng bus na sinalpok ng tricycle sa Oriental Mindoro na ikinasawi ng dalawa katao at pagkasugat ng dalawang iba pa

Iniimbestigahan na rin ng Land Transportation Office (LTO) ang nangyaring bangaan ng isang tricycle at bus sa Calapan City, Oriental Mindoro na ikinasawi ng dalawa katao at pagkasugat ng dalawang iba pa.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, ang driver ng tricycle ay nawalan ng kontrol sa manibela sa may pakurbadang daan kaya nasakop nito ang kabilang lane at sumalpok sa kasalubong na bus.

Dahil sa lakas ng salpukan, agad na nasawi ang dalawang sakay ng tricycle at dalawa ang malubhang nasugatan.

Naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang LTO sa kumpanya at driver ng bus at pinagsusumite sila ng sworn comment/explanation sa opisina ng Traffic Adjudication Service sa 26 January 2026, sa oras ng 2pm.

Ito ay upang pagpaliwanagin sila kung bakit hindi dapat panagutan ng driver ng bus ang kasong reckless driving at improper person to operate a motor vehicle.

Ayon sa SCO, ang nasabing bus ay ilalagay sa alarm status at ang lisensya ng driver nito ay suspendido ng 90 araw habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Facebook Comments