LTO, naglabas ng show cause order matapos ang insidente ng road rage sa Baguio City

Naglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) laban sa may-ari at driver ng isang Toyota Fortuner na nasangkot sa viral video ng umano’y road rage incident sa Baguio City.

Batay sa paunang imbestigasyon ng LTO at sa pagsusuri sa nag-trending na video, makikitang agresibo ang asal ng driver laban sa isang parking attendant — kilos na ayon sa ahensya ay nagdudulot ng panganib at paglabag sa inaasahang asal ng isang responsableng motorista.

Inatasan ng LTO na humarap ang sangkot na driver sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO sa Enero 8 upang magsumite ng beripikadong salaysay kung bakit hindi siya dapat sampahan ng administratibong kaso, kabilang ang posibleng pagdedeclare ng kaso bilang Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Sinuspinde rin ng LTO ang lisensya ng driver sa loob ng 90 araw bilang preventive suspension; inatasan ding isuko ang driver’s license sa IID. Inilagay naman sa alarm status ang nasabing sasakyan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Nagpaalala si LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao na iwasan ang init ng ulo sa kalsada at panatilihin ang kaligtasan ng lahat ng mga motorista at mga taong nasa lansangan.

Facebook Comments