Nababahala ang Land Transportation Office (LTO) na posibleng dumami pa ang mga fixers sa kanilang tanggapan dahil sa pagpapatupad ng e-governance o computerization.
Sa pagdinig ng Senado, ipinaliwanag ni LTO Chief Hector Villacorta na malaking bilang ng kumukuha ng lisensya at nagpaparehistro ng mga sasakyan ay hindi ‘computer literate’ o hindi marunong gumamit ng computer.
Dahil dito, madali aniya silang naaakit sa mga fixers sa labas ng LTO na nag-aalok ng assistance sa computer kapalit ng P2,000.
Hiniling ng LTO sa Senado na ikunsidera sa pagbalangkas ng E-Governance Law na may hybrid system kung saan may public assistance para sa mga hindi marunong sa computer at hindi na nila kailangan pang lumapit sa mga fixers.
Sa positibong aspeto naman, sinabi ni Villacorta na malaking tulong ang e-governance at digitalization sa pagpapadali sa buhay ng mga commuter dahil sa nauuso ngayon na mga ride hailing apps.