Sunday, January 25, 2026

LTO, nagpalabas ng SCO laban sa isang truck driver na sangkot sa viral video

Nagpalabas ang Land Transportation Office (LTO) ng show cause order (SCO) laban sa driver ng isang FAW truck matapos itong masangkot sa isang viral video na kumalat sa social media.

Batay sa video, makikita ang isang lalaki na nakatayo sa harap ng truck, subalit patuloy pa rin ang pag-andar ng sasakyan.

Makikita rin na itinutulak na ng truck ang lalaking nakaalitan nito habang umaandar, kahit malinaw na nasa harapan ito ng sasakyan.

Hindi rin umano pinansin ng driver ang sigaw ng asawa ng lalaki na humihingi ng tulong.

Dahil dito, inatasan ng LTO ang may-ari ng truck at ang driver nito na magsumite ng beripikadong paliwanag at mga dokumento sa Investigation and Intelligence Division, kung bakit hindi sila dapat managot o kasuhan.

Kaugnay nito, ilalagay sa alarm status ang naturang truck, habang 90 araw namang sususpindihin ang lisensya ng driver habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Posibleng maharap ang driver sa mga kasong reckless driving at improper person to operate a motor vehicle.

Facebook Comments